Ang terminong Camarero ay nagmula sa salitang kastila na ang ibig sabihin ay waiter. Ito ay salitang hiram sa Espanyol na ang kahulugan ay tangapangalaga ng mga imahen ng poon, santo at santa. Ito ang tawag sa tao, isang pamilya o grupo ng mga tao na nangangalaga ng imahen ng mga santo at santa. Camarero ang tawag kung ikaw ay lalaki at camarera naman para sa isang babae.
Kung iisipin ang ibig sabihin at kahulugan ng camarero o camarera ay waiter na naglilingkod o tagapagsilbi. Kaya ang pagiging isang camarero o camarera ay hindi isang status symbol dahil ang ilang tao ay madalas mag isip na ang isang camarero o camarera ay para sa mga mayayaman lamang. Ating tatandaan na ito ay pagsagot sa tawag ng Diyos upang magampanan ng isang tao ang kanyang misyon sa buhay. Aking natuklasan na ang pagiging camarera ay pagpapakababa at paglilingkod. Higit sa lahat, ito ay may kalakip na responsibilidad kagaya na lamang ng pagpapalaganap ng debosyon at ang tungkuling maglingkod sa kanyang kapwa. Ating tandaan na hindi sinasamba ng mga may-ari ng banal na imahen ang kanilang mga inaalagaan bagkus ito ay nagsisilbing instrumeto lamang at modelo ng Diyos upang higit na maging matatag ang pananampalataya. Alam ng isang camarero o camarera na ang Diyos lamang ang nararapat sambahin. Kailangang maipagtanggol ng isang camarera ang kanyang pananampalataya ng may respeto at pagmamahal pa rin sa kanyang kapwa sa mga taong may sinasabing masama ukol dito. Isa pang tungkulin ng camarera ay ang pag-ayos sa kanyang ugali upang maging mabuting ehemplo sa ibang mga tao. Ito ay mahirap sapagkat ang isang camarero o camarera ay mga tao lamang na nagkakamali, nagkakasala, nagagalit at hindi perpekto. Aminado ako na bagaman ako ay isang camarera ay hindi sa lahat ng oras ay masasabi ko na matuwid ang aking ginagawa.
May mga panahon na ako ay nagkakamali, nakakapagbitaw ng masasakit na salita, naiinis, nagagalit at marami pang ibang ugali na kailangang higit na mapalinang ng isang camarera.
Thereβs no perfect person but we need to do our part to improve ourselves.
Mga klase ng Camarero o Camarera
Ayon sa aking pagsasaliksik ay may iba’t ibang uri ng camarero o camarera…
Una ay ang mga may-ari ng poon na nagmula sa angkan ng mga sinaunang mayayaman kung saan namana nila ang mga santong kanilang inaalagaan.
Pangalawa naman ay yung mga middle class na sa paglipas ng panahon at nakapagpaggawa o nakapagpundar ng kani-kanilang mga santo.
Pangatlo, ay ang mga napili ng kani-kanilang mga Parokya na magpaggawa o ipinaalaga ang santong nasa simbahan para maiprusisyon.
At panghuli, ay ang mga biglang naging mga camarero dahil inihabilin o ipinagbenta sa kanila ang mga santo mula sa mga camarerong nasa una at pangalawang kategorya.
Paano magpagawa ng poon?
Noong hindi pa ako camarera, akala ko dati na ang mga imahen na nasa simbahan at mga imahen na pangprusisyon ay basta bibilhin na lamang. Bata pa lamang ako ay mahilig na ako sa mga poon. Noong ako ay lumaki, nagkamulat at nagkaisip, higit na tumindi ang aking pananampalataya. Noong ako ay kolehiyo ay kapag may tatabi akong pera at pagkatapos ko magsimba ay bibili ako ng bagong poon sa religious store ng mga simbahan… Kung nais mong maging camarera kagaya ko narito ang paraan kung papaano magpagawa.
Una, alamin at ipagdasal ng mabuti kung ano ang malapit sa iyong puso na poon o santo. Alamin ang kasaysayan nito, ang buhay at kung paano naging instrumento ng Diyos ang iyong nais ipagawa.
Ikalawa, dapat pumunta ang nagnanais na maging camarero o camarera sa kanilang parokya upang alamin kung anong sagradong imahen ang wala pang nangangalaga. Sa isang parokya, isa lamang ang maaring mag may ari ng isang tagpo sa mahal na araw gayundin ang iba pang mga poon na may titulo.
Ikatlo, ihanda ang pinansyal na parte. May tatlong uri ng iskultor: ang una ay mura ngunit hindi masyadong maganda gumawa, ang ikalawa ay mahal ang presyo ngunit maganda ang pagkakagawa at ang ikatlong klase ng iskultor kung saan ako nakapagpagawa ay mura ngunit magandang gumawa.
Iba din ang kakausapin sa gayak ng napiling sagradong imahen, gayundin sa buhok nito at sa iba pang mga aksesorya na ilalagay. Mas magandang asikasuhin ang gayak o suot ng poon o santo matapos mayari ng iskulor upang masukatan muna ng eksakto.
Ikaapat, kapag natapos mo ng ipundar ang iyong banal na imahen, dito na papasok ang pagpili ng pari na nais mong magbasbas sa banal at sagradong imahen. Pagkatapos ng pagbabasbas ay magiging isa ka ng ganap na camarero o camarera
Ikalima, gawin ang mga tungkulin ng isang camarero o camarera. Ating tatandaan na ang mga poon o santo ay hindi lamang isang palamuti o dekorasyon sa ating bahay. Bagkus, ito po ay dapat maging instrumento upang higit pa tayong magdasal at mapalapit pa sa ating Panginoon.
Ang aking kwento kung paano ko nalaman ang tamang banal na imahen na aking ipapagawa
Marami po ang minungkahi sa akin na poon ang ilan sa mga ito ay ang pagpapagawa ng Benedictine Saint at ang pagiging camarera ng isang tagpo sa mahal na araw na tungkol sa pagpapagaling ni Hesus sa may sakit.
Sa aking pagsasaliksik ay walang Benedictine Saint na malapit sa aking puso. Gusto ko ang tagpo na pagpapagaling sa maysakit sapagkat ito ay may kinalaman sa aking propesyon. Gayunpaman, ang pagpapagawa ng tagpo sa mahal na araw ay nangangailangan ng mas malaking espasyo at maraming imahe. Ang aking palagay ay hindi pa ako handa para sa isang tagpo para sa mahal na araw. Nararapat lamang muna akong magsimula sa isang imahen dahil ito ang aking unang beses na maging isang camarera.
Kung kaya naging desisyon ko na ipagpaalam sa pari ng aming parokya ang aking matinding debosyon sa Birheng Maria. Ako ay pinanganak ng buwan ng Mayo na alam din ng mga Kristyanong Katoliko bilang month of Mary. Bukod pa rito ay maraming mga ganap sa aking buhay ang higit pang nagpalalim ng aking pagmamahal sa Inang Maria.
Sabi ng nasa opisina ng aming parokya: “Dra. middle name at surname mo nga tungkol kay Maria. Marahil ay tinatawag ka nga ng Mahal na Ina.”
Hindi ko pa po hinangad na pumunta sa Holyland upang magpilgrimage pero sobrang hinangad ng aking puso ang paglalakbay at pagiging isang pilgrim para sa isang Marian pilgrimage. Doon ko rin naisip na marahil sa Birheng Maria muna dapat ang aking pagtuunan ng pansin at ipagawa.
Alam ko mahal ko si Mariaβ¦
Kung ako ang tatanungin, nais ko sanang ang imahen na ipagawa ko ay Mary Queen of the Most Holy Rosary dahil mahilig akong magdasal ng rosaryo. Ngunit, hindi na maari dahil may camarero o pamilya na nakalista sa aming parokya na may imahen na ito. Kung kaya iminungkahi ng aming pari na Inang Desay ang aking ipagawa.
Noong una ko itong narinig ay hindi ito pamilyar sa akin. Si Inang Desay ay si Maria, Tagakalag ng mga Buhol ng Buhay. Tayong lahat ay may mga buhol ng buhay o mga problema, hayaan natin na tulungan tayo ni Maria na kalagin ang mga suliranin na bumabalakid sa ating misyong at mga buhol na nagiging daan upang hindi tayo mapalapit sa Diyos. Inaral ko at nagustuhan ko ang mensahe nitong banal na imahen.
Sa katunayan, noong pyesta ng Inang Desay ay maraming naglagay ng kanilang mga sulat sa aking Mahal na Birhen upang ipanalangin ang mga nais nila. Sobrang nakakataba iyon ng puso.
Noong ako ay sumama sa Marian Pilgrimage habang kami ay patungo sa Avila, Spain sinabi ng aming pilgrimage chaplain sa aming mga pilgrims ang isang payo na hindi ko makakalimutan kahit kailan. “Huwag nyong ipagdasal na hindi kayo magkaroon ng pagsubok. Bagkus ay ipagdasal na magkaroon ng lakas ng loob na harapin ang anumang hamon sa buhay”.
To my dear readers, always pray for strength to overcome life’s struggles.
ANO ANG TUNGKULIN NG ISANG CAMARERO o CAMARERA BUKOD SA PAGIGING MABUTI?
- Gampanin nito na alagaan ang mga imahen ng mga banal, mula sa pagbibihis, sa kanilang mga kagamitan upang maging presentable at kaaya-ayang tignan sa paningin ng mga deboto.
- Nararapat na naangkop ang gayak at palamuti na kanilang paglalagyan, sa carosa at pagtatanghalan kung may pagdiriwang ng mga imahen at mga gawain at kaganapan na may kaugnayan sa banal na larawan.
- Ipalaganap ang debosyon at ipakilala ang imahen sa ibang mga tao.
Kailan ko naipundar ang aking banal na imahen?
Tatandaan natin na kapag po napili mo ng magpagawa ng isang poon o imahen ay kailangan mong maghintay ng mga isa o dalawang taon. Ang tagal po ay nakadepende sa iskultor na iyong pagpapagawaan. May ibang iskultor na aabutin pa ng mga tatlong taon dahil sila ay popular at maraming ginagawa. Dapat nating tandaan na kailangan nating matutong maghintay dahil may tamang panahon kung kailan matatapos ang iyong pangarap na banal na imahen. Hindi po maaring madaliin ang iskultor. Ang maestro ng aking poon ay si Ian Vicente ng Balanga, Bataan.
Naghintay ako dahil pinatuyo pa ang kahoy na pag uukitan ng halos isang taon. Natapos ang pag-ukit ni maestro noong Marso taong 2022. Kaagad naming kinuha at sinadya ang aking pinagawa sa Bataan. Ito ay paglalakbay ng pananampalataya. Kung babalikan ko ito, sadyang napakasaya ng aking puso.





Para sa nagbabasa neto, maraming salamat po. Nagnanais ka din ba na mag alaga ng banal na imahen at maging isang camarera kagaya ko? Kung nagnanais ka din at tinatawag ka ng misyong ito, Kapatid, ipagdasal mo. Hindi mo kailangang maging perpektong tao. Hindi po nagtatampo ang Diyos kung hindi ka agad makakasagot sa misyong ito. Kausapin mo ang Diyos, kailangan mo lang maniwala sa kanya at ibibigay Nya ang sagot sa iyong mga tanong, kahilingan at pinagdadasal.
Nawa ay nailapit pa kita sa Diyos habang binabasa mo ito. Hindi mo Siya nakikita pero lagi mo Syang kasama.
Para sa nagbabasa nito, mahal ka ng Diyos!
Love lots, Aπ

Leave a comment